For Filipino Readers Series #4

Ina sa Bawat Pahina

for Mother's Day


simula noong ako ay nasa sinapupunan mo pa lamang
hindi na mapinta ang sayang iyong naramdaman
sa bawat haplos at mahinang tapik mo sa iyong tiyan
nadarama ko rin ang kagalakan sa aking katawan

pagdating ng iyong nalalapit na kabuwanan
naghahanda na ang lahat sa darating na kapanganakan
sa aking kaarawan kamay mo'y hindi nila binitawan
hindi mo ininda ang sakit basta ako'y iyong masilayan

tinuruan mo akong maglakad nang dahan-dahan
sa bawat paghakbang, ako'y iyong sinabayan
paningin mo'y hindi lumihis para ako'y mabantayan
at sa wakas, humakbang mag-isa ay aking natutunan

kumanta, magsulat, sumayaw at magbilang
ilan lang yan sa mga bagay na aking kinamulatan
sa mga matatanda, bilin mo ako ay gumalang
kaya hanggang sa magkaisip, dala-dala ko kailanman

pagdating sa sekondarya pumili ako ng paaralan
pumayag ka kaya't ako'y napatalon sa kasiyahan
kahit alam mong malayo hindi mo ako pinigilan
kaya nabuo mong tiwala sa'kin, pangako hindi masasayang

pagkaraos ng ilang tao'y dumating sa kolehiyo
alam ko ang hirap mo kaya't ito'y pinagsikapan ko
tukso rito, tukso roon karamihan sa mga dinanas ko
ngunit mas nanaig sa'kin ang tiwala at pagmamahal mo

ngayon ako'y tapos na sa aking pag-aaral
dulot ito ng inyong sikap at labis na pagpapagal
maginhawang kinabukasan para inyo, sa isip ko ay pinairal
mas mahabang buhay ninyo, sa Panginoon din ay dasal

sa wakas ay natupad ko ang aking mga pangarap
salamat sa pagbibigay sa'kin ng maliwanag na hinaharap
tumulong ako sa inyo gaya ng aking ipinangako
kasiyahan sa bahay ay ramdam sa'ng sulok man mag-dako

sa pagkakataong ito ako ay mayroong nakilala
sa puso ko, siya ay labis na nagpapasaya
sa bawat ngiti niya ako'y nahahalina
kaya't pagdaan ng taon kami ay nagka-pamilya

hindi natagalan kami ay nagka-anak
bumili ng bagong bahay para sa aming mag-anak
kayo ay naiwan sa ating maliit na tahanan
wala akong narinig na reklamo dahil inyong naintindihan

naging masaya ka sa buhay na ako ay nagkaro'n
kaya ako'y nakuntento sa anong mayroon ako ngayon
sa malambot mong kama nahiga ako sa huling pagkakataon
ipinahinga ko ang aking katawan at yumakap sa iyo noon

pagkalipas ng ilang taon unti-unti ka nang humina
ramdam na ang mga sakit dulot ng pagkatanda
hindi ko pinansin ang iyong mga daing
dahil ako ay abala sa aking sariling mga hangarin
habang tumatagal lumalago ang aking buhay
hindi ko namalayan, kasabay pala iyon ng iyong pag-himlay

NAGISING AKO SA AKING MASAMANG PANAGINIP
NAPAMULAT AKO AT NIYAKAP KA NANG MAHIGPIT
PINAKALMA AKO NG HAPLOS MONG WALANG KAPANTAY
SALAMAT SA DIYOS, SA BUHAY MO INAY!

ISANG MASAMANG PANAGINIP NA SA AKIN AY NAGPAMULAT
NA KAILANMAN ANG PAG-IBIG MO SA AKIN AY TAPAT
MAGING MATAGUMPAY MAN AKO SA AKING SARILING BUHAY
HINDI DAPAT KALIMUTAN ANG DAKILA NATING NANAY

SALAMAT O INA SA MGA PANAHONG AKO'Y IYONG INALAGAAN
MGA PAGYAKAP MO SA AKIN TUWING AKO'Y NAHIHIRAPAN
SA PAGPAPATAWAD SA'KIN KAPAG AKO'Y NAGKUKULANG
PATULOY PA RIN ANG PAGTANGGAP MO SA'KIN MAGING AKO AY SINO MAN

KASAMA KITANG MAGLAKBAY SA MABILIS NA TAKBO NG BUHAY
HINDI MAN AKO PERPEKTO, ANDIYAN PA RIN ANG IYONG KAMAY
KAMAY NA HANDANG UMALALAY, SABI MO TAYO AY SABAY
KINAPITAN MO AKO NANG MAHIGPIT, BUHAY KO AY NAGKA-KULAY

PANSIN MO BA, INA? IKAW AY NANDIYAN SA BAWAT PAHINA
HINDI KA NAWALA PARANG IKAW LANG SA TUWINA
UMULAN MAN O UMARAW, KAHIT SAAN MAN MAGPUNTA
PAG-IBIG NA UMAAPAW, LABIS KONG NADARAMA

SA PAGKAKATAONG ITO, AKO AY NAIS NA BUMATI
DAHIL IKA'Y ISANG MAGITING NA ANAK NG HARI
BINIGAY KA NG DIYOS SA'MIN, IKA'Y MANANATILI
SALAMAT INA, 'YAN LANG ANG SAMBIT NG AKING MGA LABI

MANDARAYA ANG PANG-AKIT AT KUMUKUPAS ANG GANDA
NGUNIT ANG BABAING GUMAGALANG AT SUMUSUNOD KAY YAHWEH AY PARARANGALAN
MGA KAWIKAAN 31:30

Comments