For Filipino Readers Series #3

Ina, Para sa Iyo Ito

A poetry for mothers


Ako ay naglalakad sa isang parke
Hindi ko alam kung saan ako dadalhin
Ng aking mga paang nagtataka
Kung sa iyong buhay
Ano nga ba ang aking halaga

Nasulyapan ko ang isang batang may kasamang matandang babae
Nasa pitong taon, naglalaro sa duyan,
May hawak na libro, tinutulak nang marahan
na para bang ang bata’y walong buwan pa lamang

Marahan. Napaisip ako bigla
Oo nga, marahan mo akong paangat na hinawakan
Noong mga panahong ako’y tumigil lumaban
Nawalan ng pag-asa, ngunit sinabi mo, “anak, isa pa”
Kaya ako’y bumangon at muling hinarap ang mundong mapanghamon

Pagkatulak ng babae sa batang nasa duyan,
Nalaglag ang sapatos nito
Tinigil niya ang ugoy, kinuha ito at muling nagpatuloy

Tinigil. Napaisip ako bigla.
Oo nga, tinigil mo ang mga sarili mong gusto
Upang mga hilig ko’y lubos na maibigay mo
Kinalimutan mo ang iyong sarili,
Para lang mabigyan kami ng buhay na kawili-wili
Hindi ka nagreklamo noong dumating ang panahon
Na ang kaning isusubo mo na ay inalok mo pa nang mahinahon

Umalis ang mag-ina sa parke nang masaya
Dala-dala ang ala-alang kanilang  ginawa
Magkahawak kamay silang naglakad
Patatalon-talon ang bata hawak ang librong malapad

Libro. Napaisip ako bigla.
Oo nga, ikaw ang unang nagturo sa’kin
Magbilang, bumasa at sumabay sa tugtugin
Sa bawat paghaplos ng kamay mo sa aking panulat
Mundo kong madilim, iyong naimulat
Ngayong ako’y malaki na,
Regalong edukasyon, hindi hahayaang mawala
Magsisikap ako para sa inyo
Dadating ang panahon, kayo’y tatayo sa entablado

Kasabay ng paglaho ng mag-ina,
Ganun din naglaho ang aking pagtataka
Sa libro na may maraming pahina,
Ikaw ang bida sa kwento kong may kwenta
Ikaw Inay, ang ilaw ng tahanan
Nagsilbing gabay sa madilim na daanan
Hindi mo ako binitawan
Sa mga panahong ako’y nagkukulang
Bagkus niyakap mo ako at pinaramdam mo
Na sa mundong ito, magkasama tayong tatakbo

Tatakbo. Napaisip ako bigla.
Oo nga pala, nanjan ang Diyos upang gabayan ka
Ang takbuhin na mayroon ka, hindi mo haharapin mag-isa
Nandito ako, kaagapay mo, aakay sa’yo
Sa pagkulubot ng iyong balat,
Pagputi ng buhok at mata’y hirap nang idilat,
Ang halagang pinaramdam mo sa’kin
Ang siyang isusukli sa’yo habang ika’y kapiling
Kaya Ina, para sa iyo ito,
Maraming Salamat, sigaw ng puso ko.

Comments