For Filipino Readers Series #1

Hello! This is my first ever self-made "spoken" poetry. I already executed this in our church (United Church of Christ in the Philippines - Bailen) during our Youth's Night and it's theme is about loving, serving and following God.  May God touch your heart by this piece. All glory is His.

Nagmamahal, Naglilingkod, Sumusunod

Sa Juan kapitolo otso talatang labindalawa ay sinabi Mo (Juan 8:12):
"Ako ang ilaw ng sanlibutan. Ang sumusunod sa Akin ay hindi kailanman lalakad sa kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw ng buhay."

Ikaw, Ikaw na nagbibigay
ng kahulugan sa buhay
At ang kumakatawan ay kami
na Iyong laging inaakay
Sa Iyo, sa Iyo nagmula
ang liwanag ng sanlibutan
Na ngayon nga ay patuloy naming
hinahagkan at nararanasan
Ilaw na nagsisilbing
liwanag sa dati kong kadiliman
Hindi na ako maliligaw
ng landas kailanman
Ang ilaw ay lumiliwanag
sa kadiliman
At hindi nga magagapi
ng anumang kasamaan
Kaya't narito ako,
ako ay handa nang maglakbay
Dahil alam kong ako'y
may ilawang matibay
Walang ditong makasisira,
ni anumang matigas na bagay
Kaya ikaw na nakikinig ngayon, hinahamon kita,
halina't samahan mo ako
Sabay nating harapin
ang sanlibutang madilim
Ikalat at isaboy
ang ilawang nagbibigay-buhay
Maging liwanag sa mga nabubulag
at gumabay sa mga nakukulong
sa kadiliman

Ngayo'y may liwanag na tayo
Laliman naman natin ngayon
ang pagkakakilala
kung ano ba talaga ang halaga
ng mga salita Niya

Sa Juan kapitolo isa talatang isa hanggang dalawa ay sinabi Mo (Juan 1:1-2):
"Sa simula ay ang Salita, at ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang Salita ay Diyos. Sa simula ay kasama na siya ng Diyos."

Mga salita Mo nga,
ang nagsisilbing gabay
sa araw-araw naming buhay
Nagtuturo ng mga bagay
na dapat naming panatilihin 
at gayundin isabuhay
Sinasabi Mo sa amin
kung ano ang dapat at hindi dapat
Kaya papuri
Sa'yo lamang ay nararapat
Salita Mo'y pananatilihin,
pagyayamanin at payayabungin
Dahil sa mga pangako Mo,
ako'y tumuloy at nagpapatuloy
Salamat!
Na kapag sinabi Mo
ay talagang gagawin Mo,
Pangakong galing Sa'yo
kailanman ay hindi napako
Sa'yo ako nagkaroon ng pag-asa
at ako'y patuloy na umaasa
Para sa susunod Mong
hinihintay naming pagbisita
Ako'y patuloy na naghihintay,
kasabay ng pananampalatayang may gawa
Kaya ikaw na nakikinig ngayon, hinahamon kita,
halina't samahan mo ako
Sabay nating harapin
ang sanlibutang madilim
Ikalat at isaboy
ang salitang nagbibigay-buhay
Maging isang kristiyanong
may pananampalatayang matibay

Ngayo'y may liwanag
at pagkakakilala
na tayong itinanim
Paghahandog ng sarili
ang huling bubuo
sa makabuluhang buhay


Sa Roma kapitolo dose talatang isa ay sinabi ng alagad Mo (Roma 12:1):
"Kaya nga, mga kapatid, isinasamo ko sa inyo, alang-alang sa mga kahabagan ng Diyos, na inyong ialay ang inyong mga katawan na isang handog na buhay, banal, na kasiya-siya sa Diyos, na siya ninyong makatuwirang paglilingkod."

Paghahandog ng buhay
ay isang matuwid na paglilingkod
Buhay na ibinigay Mo,
dapat gamitin lamang Sa'yo
Binigyan Mo ako
ng sapat na pangangailangan
Ngayon ay ibabalik ko
ng lagpas pa sa kinakailangan
Dahil Ikaw ay matapat,
ako ay dapat magtapat
Iaalay ko ang aking buhay
ng buong-buo
Na walang halong pag-iimbot
at paninibugho
Hindi lamang buong buhay
kundi iyong banal
at kalugod-lugod
Sapagkat sa paningin Mo,
hindi sapat ang buo lamang
ang banal lamang
at kasiya-siya lamang
Gusto Mo ay lahat,
sapagkat iyon ang nararapat
Kaya ikaw na nakikinig ngayon, hinahamon kita,
halina't samahan mo ako
Sabay nating harapin
ang sanlibutang madilim
Ikalat at isaboy
ang tamang paghahandog
paghahandog na nagbibigay-buhay
Isang abang lingkod
ngunit may buhay na makulay

Ngayo'y may liwanag
at pagkakakilala
na tayong itinanim
Gayundin ang tamang
pag-aalay ng sarili
Ikaw at ako,
sa tingin ko ay handa na
Halina't harapin
ang isang bagong buhay
Ang tunay na kahulugan
ng buhay
Buhay na para sa Kanya
at wala nang iba pa
Isang buhay na mayroong pagmamahal, pagsunod at paglilingkod.

Comments