For Filipino Readers Series #2

Ano ang Awit ng Buhay Mo?

Sa’yo ako ay sadyang nagpapasalamat
Pagkat Ikaw kailanman sa akin ay tapat
Hindi Mo ako iniwan, kinalimutan, ni pinabayaan
Kaya heto ako, nasa Iyong harapan, mukha Mo’y gusto kong masilayan

Patuloy akong sasayaw ng todo at aawit kahit wala sa tono
Walang sama ng loob, poot, ni galit sa aking puso
Sa piling Mo ako’y masaya
Masaya, na wari ba’y walang lungkot at kaba
Kaya ako’y nawiling manatili at nangakong magiging masigla

Ngunit dumating ang mga unos at bagyo,
Nanlambot ako at biglang natakot sa mga ito
Nakain ako ng dilim, nawala ang aking mga sinabi
Lumubog ako sa dagat, pananampalataya ko wari ba’y nawasak

Sabi ng mundo, hindi ko raw kaya
Sabi ng mundo, ako daw ay bata pa
Sabi nila, wala naman na daw akong pag-asa pa
Kaya sabi ko Sa’yo, “pwede naman dibang iba?”
Dagdag ko, “hindi ko naman kaya, diba?”

Ngunit sabi Mo, “Anak heto Ako,
Sasamahan kita sa’n ka man magpunta”
Sabi Mo, “hawakan mo ang kamay Ko, kasama kita”
“Sabay nating harapin ang landas na madilim, dahil mahal kita, mahal na mahal kita”
Hanggang sa huli, hindi Ka sumuko, inakay Mo ako, ang mga mata ko’y minulat Mo at ako’y biglaang nakakita

Akala ko iniwan mo ako dito mag-isa
Akala ko, ubos na ang aking pag-asa
Akala ko lang pala, kasi nandyan Ka
Inakay mo ako sa landas na maginhawa
Inahon mo ako sa dagat ng problema

Salamat! Salamat oh Diyos, sa Iyong ginawa
Salamat dahil binigyan Mo ako ng himala
Ngayon ako’y walang kinatatakutan
Kasi sabi mo, “Anak kaya mo naman yan”

Lakas na galing Sa’yo,
Salamat oh Panginoon ko,
Ako’y aawit ng papuri
Pagkat sa buhay ko, Ikaw’y mabuti

Mga pangako Mong hindi Mo binigo
Walang kahit isang alam ko’y napako
Hawakan Mo ang buong buhay ko,
Nang ang hinaharap ko’y sa mabuti ang tungo

Comments